Mahalaga na maging handa tayong mga pharmacist na sagutin ang mga katanungan ng ating pasyente. Una, karapatan nilang malaman ang mga bagay-bagay patungkol sa kanilang kalusugan at sa gamot na kanilang iinumin o gagamitin. Pangalawa, bilang Pharmacist, responsibilidad natin na maglaan ng impormasyon sa ating pasyente.
Ano-ano nga ba ang karaniwang tinatanong sa ating mga Pharmacists?
1. May generic brand ba ang gamot na ito?
Hindi lahat ng tao ay kayang bumili ng mamahaling gamot. Kaya nga may mga generic brands para makapaglaan tayo ng lunas sa presyong magaan sa bulsa. Siguraduhin lamang na magkatulad ang dosage strength ng gamot.
2. May iba pa bang uri ang gamot (different dosage form or flavor) na ito na maaari kong inumin?
Ito ay kadalasang tinatanong ng mga taong may problema sa paglunok o may maselan na panlasa.
3. Marami akong iniinom na gamot, bawal ba na pagsabay-sabayin ko sila?
Dapat maging bihasa tayo sa drug interactions. May mga libro na maaari nating maging gabay. Siguraduhin lang na basahin ang mga libro na iyon ng hindi ka nakikta ng pasyente.
4. Ano ang mga epekto ng gamot na ito?
Maaring tinutukoy dito ang indication o side effects ng gamot. Liwanagin mabuti ang nais niyang malaman.
5. May mga pagkain o inumin ba na dapat iwasan habang umiinom ako ng gamot na ito?
May mga gamot na bawal inumin kasabay ng gatas. May pagkakataon naman na dapat may laman ang sikmura bago uminom ng isang partikular na gamot.
6. Paano ko ba iinumin ang gamot na ito?
Hindi lahat ng gamot ay pare-pareho ang pag-inom. Halimbawa na lang ang mga gamot na sublingual kung tawagin. Kung alam natin na ito ay inilalagay sa ilalim ng dila, merong mangilan-ngilan na hindi.
7. Kailan ko dapat inumin ang gamot na ito?
Kadalasan nakasulat na ang mga detalyeng ito sa prescription. Kailangan na lamang natin itong ipaliwanag sa paraang madaling tandaan.
8. Anu-ano ang mga dapat kong iwasan habang umiinom ng gamot na ito?
Iba-iba ang epekto ng gamot sa tao. May mga gamot na nagdudulot ng pagkahilo kaya't makabubuti na umiwas sa mga gawaing nangangailangan ng pagiging alerto.
9. Ano ang gagawin ko kung nakalimutan kong inumin ang aking gamot?
Dalawa ang kadalasang sagot sa katanungang ito.
- Kung nakalimutang uminom ng gamot sa nakalaan na oras, inumin ang susunod na dose sa karaniwang oras at kung ano lang ang nakasulat sa prescription. Huwag uminom ng higit sa karaniwan.
- Kung nakalimutan uminom ng gamot sa nakalaan na oras, laktawan na ito at magpatuloy sa karaniwang schedule.
10. Wala bang panganib ang gamot na ito kung ako ay buntis o nagpapasuso?
May mga gamot na bawal inumin ng taong buntis o nagpapasuso dahil hindi magiging ligtas sa dinadalang bata o sa sanggol.
11. Sensitibo ba ang gamot na ito sa liwanag, init o lamig? Saan o Paano ko itatago ang gamot na ito?
Tamang paraan ng pagtago ay kailangan upang mapanatili ang bisa ng gamot.
12. Ano ang gagawin ko kung ako ay maubusan ng gamot?
Kung Senior Citizen ang pasyente mo, nakasulat na sa SC book kung may balanse pa ang prescription niya. Sa ganitong pagkakataon, malalaman mo kung maari ka pang mag-refill o hindi na. Kung wala ng balanse, sabihin lamang na kailangan niya nang bumalik sa doktor para sa follow-up checkup. Huwang mag-dispense ng walang tamang prescription. Maaaring hindi na angkop ang gamot noon sa kondisyon ngayon.
Paunawa para sa mga Pinoy Pharmacist
Ang mga nasaad na katanungan ay ilan lamang sa maraming tanong na ating narinig mula sa pasyente. Nais po naming malaman ninyo na importante ang inyong mga work experiences, opiniyon o idea. Kung mayroon kayong mga tanong na natanggap mula sa inyong pasyente o customer (na sa tingin ninyo ay dapat din paghandaan ng kapwa Pinoy Pharmacist), inaanyayahan po namin kayong ibahagi ang mga ito sa comment box sa baba.
Disclaimer:
The information and reference materials contained here are intended solely for the general information of the reader and NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any responsibility for the decisions you make based on this information. If you have any health-related questions, persistent health condition or before taking any medication, please consult your health care provider.
No comments:
Post a Comment
I'd love to hear your thoughts. Please drop a line here and do come back as I will do all my best to reply to your comments.